Biyernes, Marso 16, 2012

SI E. SAN JUAN BILANG ‘INTERPRETANT’ (isinulat ni Virgilio S. Almario)

MAY BAGONG TUKLAS na naman si E. San Juan Jr. para sa ating mga tagahanga ng Karunungang Kanluranin. Si Charles Sanders Peirce. Sa kaniyang lekturang “Kahulugan, Katotohanan, Katwiran: Pagpapakilala sa Semiotika ni Charles Sanders Peirce,” na balita ko’y binigkas ni San Juan sa Ateneo (at sa UP at DLSU daw?) nitóng Marso 2012 at ikinalat ngayon sa internet, kahanga-hangang nilagom niya ang mga dakilang kaisipan ni Peirce bilang semyologo na ikinaiba niya kay Saussure, at nakalulungkot na hindi natin natutuklas sa kabilâ ng mataos na pagkahumaling natin sa mga kritikong Amerikano. O marahil sadyang iniligaw din táyo ng ating edukasyong Amerikanisado? Higit na ipinamalay sa atin ang halaga ng mga kapanahong sina William James at John Dewey kayâ nalingid sa atin si Peirce? Ako mismo’y nakapansin lamang kay Pierce sa isang libro hinggil sa semyolohiya dahil sa sanaysay doon ni Umberto Eco tungkol sa kaniya. Sinikap kong bumili ng isang aklat ni Peirce ngunit hindi sapat ang aking natutuhan upang magamit siyá. Mabuti’t may tulad ni San Juan na kailangang dalawin táyo sa pana-panahon at buksan ang ating mga matá sa mga bago’t magandang balita mula sa Estados Unidos.

            Nais ko ring purihin ang pagsisikap niyang gamitin ang kaisipan ni Peirce sa dalawang akdang Filipino. Sa isang tula at sa isang maikling kuwento. Makabuluhan ang gayong praktika upang higit pang luminaw ang paksa na kung tutuusin ay sinikap likumin sa isang mabigat na lektura at lubhang nangangailangan ng isang higit na mahabàng talakay at talakayan upang totoong maging bahagi ng karunungan ng mga nakinig. (Natatákot akong marami sa kanila ang nakatulad lámang ng mga taga-San Diego na sapilitang nakinig kay Padre Damaso. Nangingisda ng kahulugan, sabi nga ni Vince Rafael, sa wikang hindi nilá nauunawaan.) Gayunman, labis kong ikinabigla (at siyempre, ikinalungkot) ang pagpasok ng aking pangalan sa kaniyang pagbása sa tulang “Three O’Clock in the Morning” ni Cirio H. Panganiban.

            Ikinabigla ko ang paratang ni San Juan na “Napakababaw naman ang intensiyong ikinabit” ko sa tula ni Panganiban. Pagkatapos, binira pang “Lubhang lihis kundi palpak ang (aking) kilates at hatol.” Ang una kong naisip ay sisihin ang aking sarili: dahil hindi ko pa nababása noon si Peirce. Nakapagpapalalim at nakapagtutuwid palá ang pagbása kay Peirce, tulad ng ehemplo ni San Juan. Nalulungkot man, dalì-dalì kong binalikan ang sinulat kong “Pormalismo at Marxismo sa Pagbása ng ‘Three o’Clock in the Morning’ ni Cirio H. Panganiban” para sa isang seminar sa Ateneo noong 11 Hunyo 1992 at naging bahagi ng aking librong Pag-unawa sa Ating Pagtula (2006).

Nahaluan ng pagtataká ang aking kalungkutan.

            Bakit daw “napakababaw” ng aking pagbása sa intensiyon ng tula? Dahil sinabi ko raw na may taglay na “Kristiyanong aral” ang tula at papansinin iyon ng Marxistang pagbása. Bulgar daw iyon at reduksiyonista. Maaari. Idadagdag ko pang repleksiyonista. Bagaman sinabi ko lamang na maaaring mapansin ng “Marxista” noon ang ganitong aral. At ang totoo, hindi ko mismo sinabing masamâ ang tula na may “Kristiyanong aral.” Ang aking sinabi tungkol sa “moralistang” hibo ng tula ay bahagi ng aking susunod pang paliwanag hinggil sa mga bagay na maaaring pansinin ng “Marxistang” kritiko noon sa tula ni Panganiban. Para sa akin ngayon, isang antas iyon ng pagiging “Marxista” alinsunod sa ipinahihintulot ng sanggunian noon, at maaaring hindi kasinlalim ng paraan ng pagbása ngayon ngunit isang makabuluhang antas ng progresyon sa kasaysayan ng kritisismo sa Filipinas.

            Ilang paglilinaw ang kailangan ko pang gawin hinggil sa aking talakay noong 1992. Una, isang napakaikling panayam iyon upang bigyan ng introduksiyon ang mga estudyante at guro hinggil sa kasalukuyan noong praktika sa paggamit ng Pormalista at Marxistang pagbása. Nilinaw ko rin sa loob ng panayam ang ordinaryong background ng tinatawag kong “Marxista” at siyempre, hindi nilá nababása si Peirce. (At hindi kasáma sa kanila si San Juan dahil may higit siyáng mataas na karunungang Marxista noon pa.) Ang aking mga punto, sa gayon, ay isang paraan ng pagpatnubay hinggil sa karaniwang tinatalakay ng isang Filipinong “Marxista” noon alinsunod sa kanilang nabásang mga sangguniang Marxista sa Kanluran. Ang mga posibleng bása, gaya rin ng inihanay kong mga posibleng básang pormalista, na maidudulot ng mga sangguniang Kanluranin noon. Na hindi ko rin sinasabing masamâ. At ni hindi ko rin sinasabing dapat iwasan. Sa buod, pagsusuri iyon sa posibleng konteksto ng tula—gaya ng sitwasyon sa kasaysayan, ng posibleng taglay na kamalayan, ng posibleng buhay at paniwala ng sumulat,

            Ngunit “napakababaw” daw at “lubhang lihis.” Bakit kayâ? Dahil hindi ko nabanggit ang higit na makabuluhang saysay ng tula, alinsunod sa pagbása ni San Juan.
Ano iyon? Sa buod, ang “maituturing na pinakaultimong lohikal na Interpretant,” ani San Juan, ay inilalantad ng tula ang katotohanang “ilusyon lamang ang idinulot ng Amerika sa Pilipinas.” Wala akong tutol. Ang babae sa kabaret ay isang biktima diumano ng “bulag na pagdakila sa Amerika.” Sa isang salitâ, produkto ang babae ng Amerikanisasyon at ng mapanlinlang na “bighani” ng pananakop ng Estados Unidos.

            Ngunit ang ikinalungkot kong lalo ay sinabi ko rin iyon sa unahang bahagi ng maaaring ipaliwanag ng mga “Marxista” noon. Wika ko, “Sa pagsusuring Marxista naman, unang dapat pagpakuan ang tipo ng buhay na isinasadula sa tula. Isa itong dekadenteng búhay na dulot ng modernisasyon at Amerikanisasyon. (Minarkahan ko pang bold ang dalawang naturang salitâ.) Ang salon mismo ay mikrokosmo ng masamâng búhay lungsod, isang aliwang pangmayaman, at isang lusak na kinasasadlakan ng mga babaeng anak-mahirap. Isang uri din ito ng aliwang panggabi na sumigabo sa panahon ng Amerikano at tanghalan ng dekadenteng kulturang Amerikano. Malinaw ang impluwensiyang Amerikano sa titulong mula sa popular noong kantang Amerikano at sa banggit sa jazz.”

            O hindi iyon ninais basáhin ni San Juan dahil mas nais niyang basáhin ang iba kong inihanay na posibleng ungkatin ng mga “Marxista” noon at ayaw niya? Sa kasamaang-palad, natatalakay ang mga puntong iyon sa mga nabása kong “Marxista” bago mag-1992. Sa akin ding palagay, bagaman itinuturing na “napakababaw” ngayon ni San Juan, ang mga puntong ito ay hindi “lubhang lihis” at sa halip ay mga lehitimong pag-uusisa na maaaring idulot ng tula at ng kasaysayan.

            O dahil may ibang haka si San Juan? A, bakâ ito ang gusto niyang igiit. Halimbawa, ang haka niya na sinulat ni Panganiban ang tula pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig? Kasi daw lumabas ang libro ni Panganiban noong 1955. (Ngunit dapat banggitin agad na postumo ang koleksiyon.) Kailangan niya ito upang ipasok din halimbawa ang “pangako” ni MacArthur. Ngunit ano ang masamâ kung ipilit kong sinulat ito noong panahon ng Amerikano? Lumalim ba ang kaniyang bása dahil lámang sa isang hakang halos walang batayan? Ang “salon,” ang “jazz”? Ipagpatawad, ngunit bakâ hindi makáya ng mga senyas sa tula ang nais niyang ikargang kislap-diwa. Iminumungkahi ko pang titigan ang Bulaklak ng Kabaret ni Ruperto Cristobal bilang isang kapanahong proyekto ng tula ni Panganiban.

            Nakatatákot isipin na maaaring nais pairalin ni San Juan ang isang uri ng monopolyo sa karunungan. Iyong uri ng tindig na may nag-iisa’t laging wastong uri ng Kritisismo. Binanggit ko doon din sa bungad ng aking pagbása kay Panganiban ang panganib ng gayong Awtoridad sa kritisismo—ang malimit ko nang sinasabing patibong para sa kritiko: nagiging mainipin, arbitraryo. Mahihiwatigan ang gayong prebilehiyadong pagturing-sa-sarili ni San Juan sa nais niyang isurot na “pormalista” kong oryentasyon (at kayâ “napakababaw” ko!) at pagiging tunay na Marxista niya. Natatákot din akong lumilihis siyá mismo sa paraan ng paglitis ni Peirce sa bagay-bagay. Si Peirce din ang nagsabi, alinsunod sa talakay ni San Juan, na ang karunungan at katwiran ay natatamo ng kritiko sa patuloy na imbestigasyon, sa walang tugot na interogasyon, lalo na upang magtamo ng pagsang-ayon at malawakang pagkakasundo sa paghatol ng sining; hindi sa pamamagitan ng walang-pakundangang pangmamaliit sa iba’t nakaraan dahil hindi katulad ng kasalukuyang paniwala ng kritiko.

            Ang modelo mismo ng paglitis ni Peirce sa senyas, alinsunod sa talakay ni San Juan, ay dapat litisin. Totoo, isang dagdag na sangkap ang interpretant sa signifier/signified ni Saussure. Ngunit hindi nangahulugang nawalan ng silbi si Saussure dahil sa idinagdag ni Peirce. Patuloy na nakikinabang ang sosyolingguwistika sa pinasimulang imbestigasyon sa senyas ni Saussure. Samantala, hindi naman nangangahulugang naghinto na ang semyolohiya sa interpretant ni Peirce. Kapag binása, halimbawa, ang sistemang sosyal ni M. Halliday (1978) ay makikita ang higit na komplikadong sitwasyon ng bawat komunikasyong pangwika. Higit na komplikado kaysa ipinaliwanag ni San Juan na natanto ni Peirce. Higit na komplikado. Dapat isaalang-alang mabuti, sabi ni Halliday, ang tinatawag niyang salimuot ng field, tenor, at mode (gaya ng ninais kong ilarawan sa libro ko noong 2006). Ang haka ko pa, at batay sa disenyo ni Halliday, ang ingat sa pagtuklas sa potensiyal ng akda alinsunod sa metodo ni Peirce ay kailangang isakatuparan din sa kritisismo ng kritisismo at, lalo na, bago tahasang isakdal na “napakababaw” ang isang pagbása. Kung sinulyapan ni San Juan ang aking pahabol sa aking libro noong 2006 ay maaaring maapuhap niya ang motibo ng pagsasáma ko sa panayam ng 1992 sa loob ng aking nagbagong balangkas sa pagbása ng kasaysayan ng ating pambansang panitikan. Hindi ko nais ipagtanggol ang aking pinagmulan, hindi ko nais burahin o itatwa ang aking mga limitasyong pinagdaanan, ngunit ang kritisismo ay isang dinamikong proseso. Kailangan kong harapin ang aral na maaari kong pakinabangan ngayon kay San Juan. Kailangan iyon sa patuloy kong pagsisikap upang humanap ng bagong pagtingin sa panitikan at upang makaigpaw kahit sa kasalukuyan kong katayuan.

            Nais ko ngang imungkahi kay San Juan na higit sanang kapaki-pakinabang kung ginamit niya ang imbestigasyon sa senyas ni Peirce sa Noli ni Rizal. Hahabà ang lektura. Ngunit higit na lilitaw ang halimbawa’y aplikasyon ng “limang paraan ng pagtatamo ng matinong paniniwala” ni Peirce—ang pagsulong mula sa nakaugalian, awtoridad, a priori, pangmadlang opinyon, hanggang masinop na pag-aaral. Kayâ lang bakâ lumitaw na ginamit na palá ni Rizal ang ihahaka pa lámang nitóng ika-20 siglo ni Peirce. Ngunit sino ba ang nagsabing laging nagsisimula ang karunungan sa Kanluran?

Ano’t anuman, sa wika ng mga abogado sa telenobelang pambansa ngayon, ang “Dakilang Paglilitis kay CJ,” I submit your honor. Dapat ko ngang ikatuwa na sa pamamagitan ko’y napag-uusapan ang totoo namang napakahalagang tula ni Cirio H. Panganiban. Nakatutuwang nadagdagan ang literatura ng pagpapakahulugan dahil sa kaniyang tula. Kahit nakatatákot isipin ang kakamtin kong bagong epiteto o lapida kapag may nagtangka ng gay reading o ng post-marxist reading (may ganito na ba?) sa kaniya. Para akong nag-aabang ng kidlat ni Zeus mulang Olimpo (ang ating Pambansang Dambana). Pero kailangang umikot ang mundo.


Ferndale Homes
15 Marso 2012



Mula sa:
http://www.facebook.com/notes/virgilio-senadren-almario/si-e-san-juan-bilang-interpretant-isinulat-ni-virgilio-s-almario/340851722627729

1 komento:

  1. Hindi ko lubos na pasasalamatan si Dr EKPEN TEMPLE sa pagtulong sa akin na ibalik ang Kaligayahan at kapayapaan ng pag-iisip sa aking pag-aasawa matapos ang maraming mga isyu na halos humantong sa diborsyo, salamat sa Diyos na ang ibig kong sabihin ay si Dr EKPEN TEMPLE sa tamang oras. Ngayon masasabi ko sa iyo na ang Dr EKPEN TEMPLE ay ang solusyon sa problemang iyon sa iyong kasal at relasyon. Makipag-ugnay sa kanya sa (ekpentemple@gmail.com)

    TumugonBurahin