Linggo, Enero 29, 2012

Talaang Tanso at Makata ng Taon 2010

Ang piyesa sa ibaba ay mula sa blog ni Roberto Añonuevo.

Aniya:

"Hindi karapat-dapat, sa aking palagay, na magwagi ng titulong Makata ng Taon, 2010 si David Michael M. San Juan."

at

"[A]ng kaniyang tula ay hindi tula kahit sa pinakamababang antas na pamantayan ng sining ng pagtula sa Filipino."

-------------------------------------------

Talaang Tanso at Makata ng Taon
ni Roberto Añonuevo

Maringal ang pagpaparangal ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa mga nagwagi ng Talaang Ginto sa Tula ngayong taon, na ginanap kahapon (13 Abril 2010), ngunit ang makulay na pagdiriwang sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA) ay hindi naikubli ang kasalatan sa kasiningan ng tula ng Makata ng Taon na si David Michael M. San Juan.

Ang kaniyang piyesang “Ang Tutulain kong Harana: Sanlibo’t Isang Pahina ng Istorya’t Historya ng Sintang Bayan Kong Luzviminda” ay mala-epiko ang haba ngunit hindi tula; at maipupuwing na inaantok marahil ang mga hurado nang piliin nila ito at gawaran ng unang gantimpala.

Binuksan ng epigrape mula winika ni Simoun sa El filibusterismo ni Jose Rizal ang sabihin nang tula ni San Juan. Ngunit ang epigrape ay pagmamalabis, dahil ni hindi nagsilbing bintana iyon sa buong tula. Salat sa pagpapahiwatig ito sa konteksto o paglulugar doon sa posibleng maging daloy ng tula; at ang tinig sa tula—na mahihinuhang mula sa makata at hindi sa katulad ni Simoun—ay paglulustay ng winika ng mapaghimagsik na tauhan ni Rizal.

Heto ang prologo ng “Ang Tutulain kong Harana. . . “ ni San Juan:

Pitong libong pulo sa dakong silangan
Bughaw, malumbaying mga katubigan
Bundok, kagubatang sa sigwa’y tanggulan
Hiyas ng balangaw, hinagkan ng araw.

Sinisid sa lalim, hinila ng talim
Sa apoy sinugba, kataga’y hininga
Niyapos ng lumbay, mahikang laragway
Tumawid ng dagat, umahon sa tangway

Isanlibo’t isang limot na gunita
Nalimbag sa papel, nanilaw na pahina
Itinabi, tinago winalambahala
Sa alaala’y naglahong parang bula

Inanod ng batis, tuwa’t pagtititiis
Memoryang niligis, panlunas na langis
Sugat ng kahapon, tumanglaw sa layon
Historya’t istorya, katang maglimayon

Piling-piling bayan, gintong kabukiran
Tubuhang tumatangis, dugo ang panlinis
Busilak na handog, sariwang alindog
Gunitang kapilas, ngayo’y namamalas

Baybayin ang noon, linawin ang ngayon
Hiwaga’y ungkatin, pangamba’y supilin
Dalit ko’y pakinggan, ‘sang haranang bayan
Liwanag, karimlan, tulang kasaysayan.

May pagtatangkang gamitin sa tula ni San Juan ang padron ng awit ni Balagtas na lalabindalawahin ang pantig ngunit sablay sa tugma at sukat. Sa unang saknong pa lamang ay isahan ang tugma (aaaa), na susundan ng sunuran (bbaa), at pagsapit sa ikatlong saknong ay magiging isahan muli (cxcc) bagaman sablay. Ang ikatlong taludtod ng ikatlong saknong ay labis sa sukat. Samantala, mahahalata ang kahinaan sa tugmaan ng tula kapag dumako sa Ikalawang Yugto sa ilalim ng pamagat na “Henesis” na magkasunod ang mga saknong na isahan ang tugma (aaaa/aaaa) na kahit si Balagtas ay hindi ginawa sa kaniyang pamosong Florante at Laura. Walang mahigpit na hati o sesura ang tula, gaya ng 6/6 o 4/4/4, bagaman napakadaling gawin iyon.

Kung sa tugma at sukat pa lamang ay bagsak na si San Juan, lalong mamamalî siya sa paggamit ng ilang salita, gaya ng “dalít” na wawaluhin ang pantig. Hindi “dalít” ang kaniyang tula bagkus “awit” gaya ng kay Balagtas. Hindi rin harana ang kaniyang tula, bagaman may pagtatangkang manambitan at sukdulang magsumamo para makuha ang pansin ng mga mambabasa.

Kasumpa-sumpa ang kinathang Filipinas ni San Juan.

Hindi nailarawan nang maigi ang lugar na tinutukoy ng makata. Paanong magiging tulang kasaysayan ito, kung ni walang mahugot na matinong pahiwatig mula sa mga gasgas na hulagway na gaya ng “pitong libong pulo,” “malumbaying baybayin,” “kagubatang tanggulan sa sigwa,” na pawang inuugnay sa pasulat na tradisyon ng pagsusulat o panitikan? Sanlibo’t isang gunita umano ang nalimbag sa papel, ngunit hindi nilinaw ng persona sa tula kung mapagtitiwalaan ang naturang gunita—na maaaring nauulapan ng prehuwisyo, katangahan, o panunupil ng mga dayuhang interes.

Naglustay ng mga salita ang Prologo na maaaring tanggalin ng awtor, at magiging labag sa kabutihang-asal kung pupunahin ko pa ang marupok na balangkas nito, ang kababawan ng diwain, ang kabulagsakan ng paggamit ng mga salita, ang kahinaan ng pagsasalansan ng mga hulagway at pahiwatig, at iba pang kuntil-butil.

Ginamit din sa obra ni San Juan ang mga himpamagat [subtitle] na gaya ng “Henesis,” “Inkarnasyon,” “Hegemonya,” “Kontra-Hegemonya,” at “Nekropolis” ngunit ang simula at transpormasyon ng pagkakabuo ng kabansaan ay ipinaloob sa tersera klaseng berso na hindi malaman kung saan susuot at hanggang pandulong tugmaan lamang ang halina. Problematiko ang personang nagsasalita sa tula, dahil ang kaniyang mala-bathalang pananaw ay nakaligtaan ang mahahalagang pangyayari na humubog at patuloy na humuhubog sa paglikha ng lunggating kabansaan. Ang tunggalian ng mga puwersa ay hindi nilinaw sa tula, dahil halos walang hanggahan ang nagbubukod sa magkatunggaling panig, kaya ang diyalektikong ugnayan ng “banyaga” at “katutubo” ay nabigong maipamalas nang matuwid.

Mahihinuhang pinahuhulaan ng awtor sa mga mambabasa ang lalim ng kaniyang “talinghaga,” na isang paraan ng pagpapalabo ng tula para ikubli ang katangahan ng nilalaman ng nagsasalitang persona. Walang hiblang nag-uugnay sa “Henesis” sa “Inkarnasyon” (at sa mga kasunod nitong yugto) na kahit pinakamaikling yugto ay hitik sa malikhaing kaululan sa larangan ng pagsulat ng tula.

Aatakihin ako sa puso kung ipagpapatuloy ang pagbusisi sa tulang “Ang Tutulain kong Harana: Sanlibo’t Isang Pahina ng Istorya’t Historya ng Sintang Bayan Kong Luzviminda.”

Hindi karapat-dapat, sa aking palagay, na magwagi ng titulong Makata ng Taon, 2010 si David Michael M. San Juan, lalo kung ang gagamiting lente ng pagbasa ang pakasaysayang pagdulog, bukod sa Bagong Formalismong Filipino ng kritikong Virgilio S. Almario. Isang malungkot na pangyayari ito na ikayayanig ni San Juan, at maaaring magpatiwakal siya kung gagawing masusi ang pag-urirat sa kaniyang tula. Masakit mang sabihin, ang kaniyang tula ay hindi tula kahit sa pinakamababang antas na pamantayan ng sining ng pagtula sa Filipino. At kung ang kaniyang obra ang gagawing halimbawang piyesa sa mga teksbuk sa hay-iskul o kolehiyo, may katwiran ang mga kabataan at magulang na maghimagsik, dahil bumabagsak ang estado ng panulaang itinatampok ng kapita-pitagang Komisyon sa Wikang Filipino.

http://alimbukad.com/2010/04/14/talaang-tanso-at-makata-ng-taon/

Biyernes, Enero 6, 2012

Likhaan 2007



Taong 2007 nang ilabas ng University of the Philippines Institute of Creative Writing ang kauna-unahang Likhaan  Journal na binuksan para sa blind refereeing.

Para sa taong iyon, ang editor ay si Jose Y. Dalisay, Jr. at mga associate editor naman sina Jose Neil Garcia at Lilia Quindoza Santiago.

Tinanggihan ni Fidel Rillo ang pagle-layout ng journal dahil diumano sa hindi niya nagustuhang ginawa ni Lilia Quindoza Santiago (LQS).

Nag-volunteer na mag-associate editor si LQS sa journal. Kamukat-mukat mo, ang blind refeering ay tinanggalan niya ng piring. Ipinasok niya ang mga tula ng mga kaibigan niya sa Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) kung saan siya ay nag-workshop nang nakaraang taon.

Tumanaw ba ng utang na loob si LQS sa ama ng LIRA na si Virgilio Almario?

Kilala ang LIRA sa pambabraso sa mga contest para maipanalo ang mga miyembro nito. Halimbawa na ang nangyari sa Palanca Awards 2011 kung saan ibinigay ng mga judge ang lahat ng mga puwesto sa Tula (Filipino category) sa kanyang mga miyembro:

Unang Gantimpala: Enrique S. Villasis
Ikalawang Gantimpala: Rosmon M. Tuazon
Ikatlong Gantimpala: Christopher B. Nuyles

Dahil ba ito sa tagapangulo ng inampalan na si Dr. Rebecca Añonuevo?


Mga Link:
http://www.upd.edu.ph/~icw/Documents/Journal%201.pdf
http://www.palancaawards.com.ph/hdtula11.php