Sabado, Disyembre 31, 2011

PATSE-PATSENG GUNITA NI TOMAS AGULTO

Sumulat ng isang mahabang artikulo ang makatang si Tomas Agulto tungkol sa kaugnayan niya kay Virgilio Almario at sa mga alipures nito. Nilabas niya sa kanyang blog ang naturang artikulo ngunit sa hindi malamang kadahilanan ay bigla na lang itong nawala. Makikita ang ganito sa kanyang blog entry:

Mali 404 - Hindi Makita
Gamitin ang mga kawing o ang panghanap na tampok sa kahong panggilid upang makabalik ka sa tunay na nilalaman! Salamat po! 

http://kuntrakrusada.wordpress.com/2009/08/16/patse-patseng-gunita-ng-isang-makatang-sawsaw-suka/


Itinago? Binura sa uniberso ng www? Ewan.

Lingid sa matandang makata ay naipasa na pala sa mga kamay ang kanyang artikulo.

Narito ang buong entri:

>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>


Ni Tomas Agulto
We talk so abstractly about poetry,
because we are all bad poets.
-Friedrich Nietzsche

Vanity!  Para sa amour-propre o kati ng ego.

Dahil ginagawa ng mga diyos at diyos-diyosan sa panitikan, hindi ko ikakahiya ang pagsulat ng autobiography.  Hindi ako naiinggit kay Gabriel Garcia Marquez sa kapal ng  kanyang Living to Tell the Tale.   Itong  magician cum writer na ito, napakasikat na at sigurado sa kadakilaan at paghanga ng mundo,  sumulat pa ng sariling talambuhay bago namatay!

Alam din siguro ng mga psychologist kung ano ang totoong value ng autobiography. Lalo na sa mga writers.   Pero huwag husgahan si Marquez. Natural sa tao ang pagbubuhat ng sariling bangko.  Sabihin mang bulgar, ang autobiography ay medium ng amor propyo ng modernong homo sapiens – ordinaryo’t  paham. Kahit nga si Gandhi ng India – sumulat ng sariling talambuhay. At di pa nagkasya sa isang volume. Tumirada pa ng ikalawa.  Pero si Rizal, ni hindi yata nagbalak. Sa halip na autobiography,  Noli at Fili ang isinulat niya. World class.  Inggit lang siguro ni Gandhi.  Pinangarap siguro niya na tumbasan kundi man higitan ang  kasaysayan ng buhay ng pinakapopular na intelektwal at martir sa Asya.  Kung maraming tagahanga si Gandhi sa buong mundo, dapat ipagmalaki ng Pinoy na si Gandhi ang nangungunang Rizalian sa Asia. Rizal fanatic.  Ewan lang kung ano namang klaseng yabang o insecurity ni Rizal.

Ibang klaseng tao si Rizal. Nakipagsulatan sa halos sa lahat ng taong kakilala niya sa loob at labas ng kanyang pamilya at ng bansang Pilipinas. At kahit hindi niya personal na kakilala, sinulatan pa nga niya ang mga Kababaehan sa Malolos. Pati mga Bulaklak sa Heidelberg.  Sa dami ng gusto niyang sulatin, katawa-tawa na kundi man kawalan ng delikadesa ang pagsulat ng sariling talambuhay.  Kung tutuusin, ibang klase ng autobiography ang bawat dokumento’t larawang kanyang naiwan. Sumulat pa siya ng mensahe nang huling gabi niya sa bilangguan bago barilin sa Luneta.  Taglay ng kanyang tula ang pamamaalam sa kanyang buong pamilya at sa lahat ng indio’t ilustradong kababayan at kay Josephine Bracken.  Isiningit niya ang papel sa lampara nang di man lamang naisulat ang pamagat. May isa pang mensahe na ibinilin niyang kunin sa kaliwang pares ng kanyang sapatos, pero hindi hinayaan ng mga Kastila na malapitan ng pamilya ang kanyang bangkay.  Hindi agad natagpuan ang kanyang puntod sa Paco Cemetery kaya ang kanyang kalatas ay kasamang nabulok sa loob ng kanyang kaliwang sapatos.  Ganon kabuhong ang mga Frayle. Mga hypochondriac. Lunatic.

Pero patawarin ako ni Rizal, tungkol sa pagsulat ng sariling talambuhay. Hindi naman kasingkapal ng libro ni Marquez ang aking susulatin. Maikli lang –  istriktong hindi kukulangin sa 10  at di  lalagpas sa 25 pahina; legal bond paper, double space, 1 inch margin sa itaas, ibaba, kaliwa’t kanang gilid ng papel.  Sabihin nating self portrait o litratong close up. Mabuti. Mas madaling retokehin ang teksto kaysa literal na litrato o painting. Palalabasin ko talaga kung gaano ako kaguwapo at pambihirang tao.

May maisulat man akong kahiya-hiya nang konti ay talagang hindi ko na lang masisensor. Bahala na.  Hulaan na lang ng mambabasa kung ano ang dagdag at  kulang. Kailangang matutong bumasa ang reader between the lines – beyond text , ika nga ng mga postmoderns.

Psychiatrist lang siguro ang makakahalata kung true to life ba ito o kung gaano ako kaipokrito sa teksto at sa totoong buhay.   Basta kailangan ang rason: pampalasa para di masyadong straight o maging maputla. Pangangahasan ko ang pangungumpisal na ito hindi lang para sa aking mga kamag-anak at mga kababaryong madaling humanga sa anumang naisulat ko – paminsan-minsan – na hindi naman nila nababasang lahat pagkat kanila lang nababalitaan. Kung saka-sakali, iaaalay ko rin ang personal na sanaysay na ito (seryoso 100%) sa ‘ikaririkit’ ng panitikang Pilipino. Parang pambayad ko na rin sa lahat ng utang at  kawalang-pakundangan ko sa kulturang Pinoy.

Relebante kaya?  Promise! Exotic. Pa-organic intellectual pa!

Aba, hindi lang ito tungkol sa buhay ng isang sawsaw-sukang-makata na galing sa masa – uring api at pinagsasamantalahan.  Naugnay ang buhay ko kahit paano sa mga dakila (buhay at patay na) ng Panitikang Pinoy.

Laki ako sa Florante at Laura. Gustung-gusto kong pinakikinggan kapag inaawit ni Inang ang obra maestro ni Francisco Baltazar habang namamawid siya sa silong ng aming bahay. Sinasaway naman niya akong mahiga sa kanyang kandungan dahil makati sa balat ang sasa; at saka maaabala siya sa pagtatrabaho.  Kaya sa itaas sa tapat ng kanyang pinamamawiran ako mahihiga nang walang banig. Sa siwang ng mga sahig na kawayan pasilip-silip akong sa kanya’y makikinig. Gayon ko nakakatulugan ang mga aral at pagpapahalaga sa buhay at pananagumpay ng kahariang Kristiyano sa Albanya ni Balagtas.

Madali lang namang gayahin si Balagtas. Iyon ang padron ko sa una kong inakdang tula. Malakas ang pakiramdam kong nalikha ang tula nang hindi ko isinulat. Inusal-usal ko iyon nang paulit-ulit hanggang sa mabuo at namemorya ko para bigkasin sa programa sa klase noong grade three o grade two. Tungkol iyon sa pangarap, maging magiting na sundalo na may maalab na pagmamahal sa bayan at siyempre – sa patnubay ng Panginoong Maykapal. May dalawang istansa na kabisado ko pa.

Nais kong lumaking tulad ng kawayan
Matuwid ang puno’t ugat ay matibay
Sapagkat ang taong may tuwid na asal
Ay kabig ng Diyos at dangal ng bayan.

Ang istansa sa ibaba ay parang instinct naman ng isang musmos sa kanyang ebolusyon:

Kung ako’y lumaki’t kawayang tanghalin
Huwag pong magitla ng inyong paningin
Munting labong akong sa sukal sumupling
Ang pinagmulan ko’y tinik na masinsin

Kabilang ako sa henerasyon ng kabataang dihamak na mas mababa ang karapatan sa tinale o manok na pansabong kung ang pag-uusapan ay ang seguridad sa tamang oras ng pagkain. Sa dami ng mahihirap, dapat ko sanang ipagmalaki ang limang taon ng paulit-ulit kong pagtatangka na makatapos sa high school. Ngunit  ako’y sadyang bigo. Wala namang nakakahalata dahil kahit paano’y nahilig ako sa pagbabasa ng komiks. At nauwi sa pagkahilig sa Liwayway Magasin noong araw.  Kunsabagay, mahirap naman talagang hulaan kung sino ang edukado at lumpen sa Pilipinas. Kung paanong mahirap ding sabihin ang pagkakaiba ng pulitiko at writer.

Nahinto ako sa pag-aaral panahon ng Marial Law. Hindi na nakabayad ng pitong piso, isang buwang tuition fee sa isang sub-standard na mataas na paaralang pumapasok ang tubig sa kuwarto kapag umambon nang magdamag at nagkasabay-sabay umihi sa bukid ang mga palaka. Ang inabot ko’y third grading period sa third year. Kaya wala akong diploma. Pero natuntong ako sa UP nang marekrut ng isang aktibistang kwentista. Kalaunan, ipinapakilala niya ako sa mga sirkulo ng mga manunulat bilang protege niyang makata.   Organic intellectual sabi niya. Si Maxim Gorky ang gusto niyang ipalit ko sa una kong idolong si Balagtas.  Kabuntot ito ng impluwensiya sa porma ng Mahal na Pasyon ni Jesus na kinakanta rin ni Inang kung araw ng kuwaresma. Pero hanggang ngayon, mas maamo sa akin ang anino ni Balagtas kaysa kay Gorky. Masyadong literal ang kanyang drama, morbid at tribya lamang ng kompetensiya ng kasakiman ng tao at paggamit sa pulitika. Kaya siguro hindi ko siya naibigan kalaunan ay dahil sa pagtatangka niyang magpakamatay nang wala-sa-oras. Sa punto ng pagpapakamatay, mas macho siya kay  Balagtas. Dahil si Kiko Balagtas, nadelay nang matagal ang kanyang pagyao sa mundo lumagpas sa sitenta anyos at nabilanggo dahil sa pagiging woman beater. Kinalbo raw ng gago ang isang katulong na babae.

Pero hindi ko sinasabing mas mababa ang kalidad ni Gorky kaysa idealismo’t romansa ni Balagtas. Pareho lang sila sa akin. Kaya lang, nalipasan na ako ng amor sa kanilang dalawa. Samantala, limang bersiyon ng tono ng pasyon ang kabisado ko hanggang ngayon. Magasing Liwayway ang natatandaan kong kinabasahan ng mga obrang sa pakiramdam ko’y madali namang gawin.

Noong Martial Law, kung hindi naunahan ng isang sikat na kuwentista ang aming barangay captain na nagmagandang loob na mag-isponsor sa aking pumasok sa kursilyo, muntik ko nang naging idolo si Marcos sapagkat siya lamang ang matapang na lalaki sa Pilipinas na naririnig ko sa radyo kasalit ng mga awit ni Didith Reyes araw-araw gabi-gabi.  Sa kung anong tsansa at desgrasya, ang sinubuk-subukan kong paggaya ng tulang walang metro at sukat ng mga taga-Maynila ay pinangahasan kong ipamakinilya sa sekretarya ng pari sa parokyang sumasakop sa aming barangay. Lihim ko iyong ipinadala sa pamamagitan ng koreo sa editoryal ng Liwayway. Pagkaraan ng nakaiinip na  tag-ulan, lumabas ang tula ko bilang portada at may postal check na 50 pesos na kinolekta ko sa munisipyo.

Napakalaking halaga sa panahong iyon para sa isang binatilyong nakakakita lang ng limampung pisong papel sa mga lasenggong biglang yumayaman tuwing eleksyon at nag-uutos sa aking ibili ko sila ng alak.
Singkuwenta pesos. Higit ang halaga ng kabayarang iyon sa aking tula sa aktwal na mabibili nito sa pondahan ni Erlinda. Pwede kong itumbas lamang sa kaligayahang idinulot ng isang nakaw o inutang kong halik sa kanyang labi.  Naluha siya na para bang alam niyang hindi na iyon mauulit.  Tahimik siyang naghintay lagpas sa aking paglalaho. Pinatawad niya ko nang walang parunggit sa di ko naipakiusap na paumanhin.  Ewan ko, alam niya o hindi – hindi siya lubos na nawala sa akin. Salamat at di na pumayag ang tsansa. Kimkim ko pa rin ang kahuma-humaling na uhaw na hindi imoral tighawin ng mga hayop.

Wala akong maalala kundi ang titulo ng tula: Mga Pugot na Anino.

Nang bulislisin ng bagyong Yoling ang Central Luzon, umulan ng mahigit sambuwan sa Gitnang Luzon. Kasamang biniktima ng baha ang aking tula. Hinabol ko nang palangoy sa agos ang sipi ng Liwayway hanggang sa loob ng simbahang parang baklad o bukatot na kinasukulan ng mga isda at kung ano-anong duming kaladkad ng baha. Hindi ko na pinilit sagipin ang aking tula sapagkat nasampid sa nabubulok na baboy sa pagitan ng lulutang-lutang na mamahaling alak katabi ng estatwa ng Sto Ninong lingkis-lingkis at nagsilbing timbulan ng napakalaking sawa.

Dahil na rin sa tulang iyon, sa kung anong biro ng tadhana ay narekrut ako ng mga makatang  GAT (Galian sa Arte at Tula). Mga propesyunal at karamiha’y aktibista  cum rebelde.  Samantala,  nakalukob noon ang sindak sa mamamayan ng buong bansa. (Inangkin ng magasawang Ferdinan at Imelda na sariling kaharian ang Pilipinas.)   The Conjugal dictatorship – ang pinagkawing na katagang nagbigay ng lisensiya kay Primitivo Mijares para maipasok ang katangian ng mag-asawa sa titulo ng libro nang walang redundancy ng kabulgaran sa istilo at estetika ng awtor na natsismis na dinukot ng militar, isinakay sa chopper helicopter at itinapon sa Manila Bay.

Meron pang  Golden Budha; at ang 6,000 pares ng sapatos na muntik nang magpataob sa popularidad ni Cinderella. Samantala kumbaga sa impormal, panlikod na pahina – at kulay itim na kasaysayan ng Pilipinas, naka-reverse imaging na tila sagitsit ng kambal na pulang bulalakaw ang malisik na alamat nina Kumander Dante at Joema Sison.

Kung paanong sa pagiging pangulo ni Marcos, ang Pilipinas ay nakalikha ng isang tanghalang papansinin sa buong daigdig, maraming lokal at dayuhang artista’t personalidad na lumahok at nakipanood sa drama. Dovy Beams, George Hamilton, Muhammad Ali, The Beatles,  Habang ang backdrop ng telon sa tanghalan ay Apollo 11, Great Leap Forward, Vietnam War,  Jabidah Massacre, Panamin, M/V Karagatan, Sunog sa Ilocos, Vicente Corpuz, Edgar Jopson, Lorena Barros, Dr. Bobby de la Paz at  Eduardo Quintero at Plaza Miranda.  Pagsasara sa dating gusali ng Senado sa Maynila at pagtatayo ng bagong Batasang Pambansa sa may Payatas, Quezon City. Siyempre, bilang nag-iisang bansang Katoliko sa Asia, inimbita rin ni Imelda ang Papa sa Roma. Mahigit isang milyong Pinoy ang nagvigil sa Quezon Memorial Circle kahit pinapasista ni Macoy ang kanyang mga kaaway.  Parang Mahal na Panginoong Jesukristong sinundan-sundan ng mga tao ang Papa. Pinagmanuhan, niluhuran, iniyakan at halos lahat ng tao’y nag-alay ng bulaklak. Pero hindi rin sapat ang mga sampagita’t kampupot para di pumanghi at mag-amoy-tae ang lugar ng pinagmisahan ng Santo Papa. Nandon ako noon. Kasama ng mga aktibistang nakapagpuslit ng mga strimer na sa oras ng pagsubo ng Papa sa ostiya ay sabay-sabay naming iniladlad.  Down with Martial Law! Down with Military Atrocities! Kinabukasan ng vigil, hinuhulaan ko noon kung ilang opisyal ng militar ang binaril ni Marcos dahil sa nalusutan sila ng mga demonstrador.

Hahantong ang kabuhungan ng hari at pasismong militar sa pagrerebelde nina Enrile at Ramos. Sila ang mga ekstra’t saling-pusa, na naging mga bidang daga sa People Power matapos isumbong ni Ver kay Marcos na balak magkudeta dahil ramdam na ramdam na – na tila bulkang Pinatubo ang galit ng taumbayan laban sa diktador.  Kailangang tumalon nina Ramos at Enrile sa barkong papalubog.

Ang ikalawang ’seryosong’ tula ko’y lumabas sa Sagisag Magasin noong 1977 na ang editor ay ang naging political detainee na si Professor Bienvenido N. Lumbera -  na ngayo’y National Artist. Wala na rin akong kopya pero madaling matandaan ang kompletong linya ng tula.

Ngayong Gabi sa Rizal Park

Ngayong
Pinaglalamayan ng simoy
Ang watawat sa tagdan;
Ngayong naliligo sa huwad na liwanag
Ang monumento ni Rizal;
Ngayong nakangising minamasdan ng turista
Ang sundalong nagbabantay;
Daming pugot na aninong
Tusuk-tusok na ng damo’y nalilibang.
Dami nating kaluluwang
Sakmal-sakmal ng karimlan.

Para na rin akong ipinanganyaya ng ikalawa kong tula.  Ang anak-mangingisdang natutong magmakinilya at nakahuli ng mga pangunahing gantimpala sa tula sa Palanca ay naging ethnological interest ng mga kaibigan ni S.V. Epistola sa akademya na ayon sa kanya’y mga frustrated writers.  Sabi ng isang matandang kritikong adviser ng GAT, ang tula ko’y pitong tawid-ilog ang ungos sa mga akda ng mga nakapag-aral na miyembro ng organisasyon.  Karamihan sa kanila’y kilalang mga personahe ngayon sa iba’t ibang larangan – para bumanggit ng ilan –Aida Santos (batikang feminista), Danny Consumido, (publisher cum entrepreneur);  at  Alfero M. Lobo – naging presidente ng  National Press Club.

Kasabay ng pailalim na kilos ng  GAT versus Bagong Lipunan, may iba’t ibang ekstrang baraha ang grupong ito laban sa diktador. Kahit nakulong sa Crame si Ariel Ureta sa kanyang pagbibiro: Sa Ikauunlad ng Bayan, Bisekleta ang Kailangan. Matapang  pa ring  dumideskarte sina Heber Bartolome, Pol Galang at Jess Santiago sa isang alternative folk house na nakakainitan at tinatambayan din ng mga Metrocom. Panahon ni Marcos nalikha at sumikat ang awiting Nena ni Heber, at ang Meme na aking Bunso ng trubador ng Obando na si Jess Santiago.

Iyon din ang panahong  nangungulekta ng  karangalan kundi man naghahasik ng lagim sa Palanca sina Teo T. Antonio, Jun Cruz Reyes,  Reuel Molina Aguila, Edgar Maranan at Fanny Garcia. Nahuli naman nina Rene O.Villanueva at Fidel Rillo ang pormula sa mga kontes at sinagasaan ang mga nauna’t dinatnan nilang dakila sa GAT. Sa nagsusulat sa english, mas malayo ang ilog na narating ni Marne Kilates.

Ang kagila-gilalas na pagsamburga ng lipunan at mga uri sa Pilipinas ay nang pumutok ang EDSA Revolution.  Hindi nabukod ang   sektor ng mga writers. Nagkawatak-watak. Ganun din sa GAT. Parang boteng nabasag ang aming pananampalataya sa kilusan. Nagkanya-kanyang pulot ng bubog ng katotohanan para ipang-atake sa dating kasama sa krusada. Pinakamalala ang debate sa loob ng Partido Komunista ng Pilipinas, na siyang pinakaangkla ng mga prenteng organisasyon.  Ang NPA ayon nga sa kasabihan – nakatulog sa pansitan. Dahil sa EDSA revolt, nakalaya si Joma at namirmihan na sa Amsterdam; si Kumander Dante ay naging bodyguard ni Tingting Cojuanco; pero inabutan ng sobrang kamalasan sina Kintanar, Tabara at Popoy Lagman. Pinaniniwalaang itinumba sila ng mga dating kasama.

Dahil sa polarisasyon, may kumampi kunwari kay Cory. May kumampi kunwari kay Marcos. Mahirap hulaan kung sino ang totoo. Ang malinaw, parang mikrobyong nagka-isplit-ispit ang mga manunulat.  Nagalit ang GAT kay Rio dahil sumuporta siya kay Marcos. Pati ako pumirma sa papel na nagpapatalsik sa aming kasama sa GAT pero ang talagang turing namin sa kanya ay “tatay-tatayan.”   Maraming hindi makapaniwala pero nalathala na sa mga pahayagan ang statement ng Coalition of Writers and Artists for Democarcy (COWARD).  Nakapirma si Rio Alma. Pinag-usapan namin iyon sa inuman nang walang personalan. Pero naiyak din si Romulo Sandoval.  Walang makapagsabi kung dahil ba iyon sa galit o sama ng loob sa pinakamamahal niyang kaibigan.          Nagsimulang malusaw ang GAT. Di naglaon, nagtayo si Rio Alma ng bagong organisasyon, ang LIRA. Nandon ang mga luma at bago niyang kakampi.  At ako, namulat na naman ako sa mga bagong pag-aakala…

Ang personal kong problema sa pagsusulat kahit sandamukal na ang aking diploma at tropeo mula sa mga prestihiyosong timpalak, ay kumbakit hindi ko makunsinti ang sarili na magustuhan ang aking mga tula. Beterano na ang tenga ko sa mga pambobola ng mga kapwa makata pero alam kong may kabanuan doon na hindi nila masabi sa akin.  Hindi ko pa rin maipaliwanag na napakadali namang gayahin ang mga ginagawang tula ng mga aktibista pero nahihirapan naman akong ibuwelo ang sarili kong tula nang lagpas sa mga islogang pang-Mendiola at pang-Sierra Madre.

Natatandaan ko sa Heritage Center Gallery ni Odette Alcantara, isang gabi ng Agosto  pagkatapos ng selebrasyon ng anibersaryo ng GAT ay kinalabit ko si Rio Alma, para ipaalala sa kanya yung sinabi ko nang nakaraang Sabado. Si Rio ang guru at tagapagtatag ng aming kulto, na nag-iisang organisasyong seryosong sumalungat sa agos ng polusyong ikinakalat sa Metro Manila at buong Pilipinas ni Kit Tatad na noo’y isa sa mga sentinels ng Bagong Lipunan.

Noong Martial Law, ang kalabit ng isang aktibista sa kapwa aktibista ay koda na may mensaheng kaugnay ng mga kasama sa (KL) kilusang lihim. May kalabit para sa kasama, may kalabit para sa sympa, at may kalabit sa isang ganap na kasapi. Ang kalabit noong panahong iyon ay mapagpalaya, sabi ng aktibista. Puwedeng kalabitin ni Reuel Aguila si Nick Tiongson.  Puwede ring kalabitin ni Boyet Ampil Gonzales si Bien Lumbera at magbulungan sila sa CR tungkol sa mga kaganapan sa KL. Ganon ang bisa ng kalabit ko kay Rio kaya humiwalay kami sa grupo.  Ang kalabit sa kilusan ay may talinghagang di matatawaran na kasinlupit ng pagkalabit sa gatilyo ng baril.

“Yung mag-uugnay sa akin sa ST? (Southern Tagalog) tanong ko sa kanya.

“Huwag na. Mahirap sa sona. Ipapasok na lang kita ng trabaho. Basta huwag ka lang mainip.”

Pag sinabi ni Rio, sino ako na hihindi?

Nang maayos ang nilalakad ni Rio Alma – proyekto sa Nutrition Center of the Philippines, na ang boss ay si Conrado Benitez, naitayo niya ang Aklat Adarna. Hindi ako binobola ni Rio, ako ang itinoka niyang janitor ng opisina.  “Bakit ka mag-i-NPA? Mas kailangan sa hayag na kilusan ang mga kadreng makata” sabi ni Rio.
Nasa abanteng sub-yugto ng plano ng atake ni Rio Alma – ala Achilles – sa binabalak na patay-malisyang pag-angkas sa kabayong Troya papasok sa gate ng Malacanang.

Kung paanong seryoso si Rio sa misyon ng GAT, seryoso rin siya sa pagkumbinsi sa akin na tapusin ko ang high school at magtuloy sa kolehiyo. Pero hindi ko siya pinakinggan. Iba ang gayuma ni Gelacio Guillermo, ang itinuturing kong supreme commissar sa  UG.  Hindi na ako nagkaroon ng interes sa pag-aaral. Ang dictum noon ay burgis at kolonyal ang umingles. Kaaway ng masa ang mga edukadong burgis.  Hindi tumalab sa “rebeldeng makata at sobra ang tigas ng ulo” (ito ang autograph ni Rio nang bigyan niya ako ng kopya ng Doktrinang Anakpawis) pinanghinayangan ko rin kumbakit hindi pinakinggan ang wisdom ni Rio, ang tagapagtatag at organisador ng panulaang Pinoy.  At nakabilang na ngayon sa mga National Artists.
Ipinagmarangal kong naging proof reader ako ng Doktrinang Anakpawis ni Rio habang tagalinis ng Adarna House, na itinuturing ng kilusan na “Ating opisina.” Natatandaan  ko, prioridad ni Rio ang budget ng operasyon para makabili ng mimeograph machine, Ubix photo copier at mga supplies na papel at stencil para gamitin sa (U.G.) under ground na publikasyong ala gerilya -  sa mismong kuwartong tinutulugan ni Rio sa Adarna House.

Nagkaroon ako ng prebilehiyong parang janitor consultant dahil sa pagkukulong ko sa kuwartong tulugan ni Rio para sa pagmimeo ng mga babasahing kapag nahuli sa iyo ng Metrocom ay kalaboso at tortyur ang katapat. Kabilang dito ang pagrereprint at pagpaparami ng Ang Bayan, Ulos at Kamao. Mga babasahing buong giting kong sinusulatang isa-isa sa pangmukhang pahina – Ipasa Pagkabasa!.  Kapag binabalikan ko ang mga eksenang iyon sa orig, lumang bahay sa Timog Avenue, hanggang ngayo’y nakadikit pa sa tungki ng aking ilong ang pinaghalong-amoy namin ni Rio at ng tinta sa nanlalagkit-nanggigitatang U-bix at mimeo machine.

Full time din akong alternative mailman na nakapapasok kung saang-saang sulok ng Metro Manila para tumanggap ng sirkulasyon ang mga istratehikong puwersa at support group sa MR (Manila-Rizal).

Minsan, hindi ko na ipinaalam kay Rio, isang linggong supply ng papel ng opisina ang tinangay namin ni Heber Bartolome sa kakarag-karag na kotse ng musikero na ibiniyahe naming kakaba-kaba sa kahabaan ng North Diversion Road mula Balintawak toll gate hanggang Tabang exit. Sa tindi ng pag-aalala, muntik ko nang naiwala sa loob ng kotse ang ticket pass na kinukolekta ng mga sundalo sa exit ng North Diversion Road. Hindi ko ipinahalata kay Kasamang Heber dahil nasa harap siya ng manibela. Tiyak na magagalit siya sa akin at malamang kasya hindi ay mabangga ang aming sinasakyan. Salamat na lang at nakarating kami sa isang bahay sa barangay Mabolo ng Malolos nang hindi kami nasita ng mga sundalo.  Hindi na namin nagamit ang aming nirehearse na prente kung saan dadalhin ang mahigit 30 resma ng mimeo paper.

Isang mahalagang okasyong hindi ko rin malilimutan -March 9, birthday ni Rio Alma idinaos sa Adarna House at kumbidado lahat ang mga kaibigang aktibista sa loob at labas ng panitikan. Nang gabing iyon, doon ko pinatunayan sa lahat ng bisita na mas magaling akong makata kaysa kay Fidel Rillo at Jess Santiago nang basahin ko ang tulang isinulat on the spot. Alay para sa nangungunang kadre ng hayag na kilusang panliteratura.  Ang Pamagat:  Tagay kay Beerling

Si Rio Alma a.k.a. Berling mula sa Camias San Miguel Bulacan ay ini-spelled out ko nang double e, kaya Beerling ang nasa titulo ng tulang hindi kukulangin sa walong istansa; at syempre sa tugma at sukat ng Florante at Laura. Sayang, sa tindi ng kalasingan namin noon ay hindi ko na matandaan kung sino ang huling dumampot ng papel na kinasusulatan ng tula na aking nabitiwan matapos  iyong basahin at makarinig ng walang patumanggang palakpakan at hiyawan para sa birthday celebrant, ang kasama kong boss sa lilim ng iisang bubong na nagsilbi ring pansamantalang bahay ni Rio.  Hindi pa siya lumilipat sa bago at sariling bahay sa Mapayapa Village sa di kalayuan sa Batasang Pambansa.

Kinabukasan ng okasyon, tulad nang routine ko sa trabaho maaga akong gumising kahit may hang-over pero hindi para maglinis kundi para hanapin kung saan napunta ang aking tula para kay Beerling. Sayang. Hindi ko na iyon nakita. Malaki ang aking sapantaha, sinuman ang nakakuha noon sa mga bisita, itinago ang tula sa pag-asam na darating ang araw na maiauction ang papel dahil may kaugnayan iyon kay Rio Alma, buhay o patay.  Kung si Picasso ay nakabili ng kung ilang mansyon dahil sa kanyang paintings, tiyak na malaking halaga rin ang presyo ng aking tula. Kung magkano man, ibibilin ko sa publiko na para sa sambayanan ang royalty. Iabuloy na lang sa Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO).

Direkta ang naging karanasan ko sa pagkaimpluwensiya sa akin ng mga manunulat at ‘napapanahong mga akda’.  Minsang nakasakay  kami sa taksi ng ilang myembro ng GAT,  narinig kong may isang nagsabi sa driver: Mag-ingat ka pare sa manibela, mga dakila ang pasahero mo!’

Naging proof reader din ako ng librong palihim na inihahanda ni Boy Martin, (Perfecto Martin)  may-akda ng tulang Kay Apo Ipe. Isang tulang panudyo sa mga huwad na bayani na ang pinatutungkulan ay si Emilio Aguinaldo – nagpapangilabot sa akin ang tula ni Boy sa tuwing aking mababasa. Si Boy Martin ang isa sa mga editors ng Aklat Adarna at tagapamahala sa imprenta. Sa  kung anong dahilan ay hindi nailabas ang librong ‘Thoughts of Imelda’ gayong naka-blue  print na ito.  Ibinasura nga ang proyekto. Mortal na kasalanan para sa mga kadre ng kilusan noong panahong iyon ang paglalabas ng gayong libro.  ‘Atin-atin lang naman ito!’ sabi ni Boy Martin sa pag-aalala sigurong magsumbong ako kay Gelacio Guillermo.

Sa Adarna House ko rin inspiradong hinanapan ng mga typo error ang manuskrito ng Hagkis ng Talahib ni Lamberto E. Antonio.  Noong panahong iyon parang palay na inaani ang mga libro ng tula kahit delikado ang paglalabas ng progresibong publikasyon. Parang tag-tuyot noon sa panitikan. Ngunit maibubukod sa mga ipa ang Hagkis ng Talahib at ang Kagilagilalas na Pakikipagsapalaran ni Juan De la Cruz ni Pete Lacaba. Si Fedrico Licsi Espino Jr., ang pinakaprolipiko. Nagsusulat siya sa English at Tagalog o Pilipino at sa iba pang lokal na wika sa Pilipinas.  Merong nasalit na Sitsit sa Kuliglig at Dunung-Dunungan ni Rolando Tinio.

Tulad ng alam sa mga textbook ng malikhaing pagsulat, si Rio Alma at Bert Antonio ang katungkong kalan ni Roger Mangahas sa panulaan, samantalang sina Pete Lacaba at Rolando Tinio ay kasama naman ni Bien Lumbera sa grupong Bagay poets. Sila ang tagapanguna sa modernong pagtula na siyang laman ng thesis mismo ni Virgilio S. Almario sa kanyang librong Modernismo Versus Balagtasismo.

Sa magkabilang grupo, mahahalatang taglay nila ang makalipunang sentimyento. Ang atake ni Pete Lacaba ay sisteng mapanudyo, si Lamberto ay mapaklang pagtitimpi, Si Tinio – lumpenic intellectual at si Rio Alma ay tahas na rebeldeng pulitikal.

Nasa Adarna House pa rin ako nang unang sumali sa Don Carlos Palanca Awards for Literature.  Nagkataon namang hurado si Rio Alma a.k.a. Be(e)rling. Sina Roger Mangahas at CC Marquez ang kanyang kasama sa panel of judges.  Nanalo ako ng ikalawang gantimpala sa Palanca, segunda kay kasamang Romulo Sandoval, isa sa itinuturing naming pambato sa GAT. Kung sina Rio at Roger ang adviser namin sa grupo, si CC Marquez naman ay kagrupo sa Liwayway ni Benigno R. Juan na nanalo ng ikatlong gantimpala sa tula nang taong iyon. Win-win sina Rio at Roger kay CC Marquez kung baga sa pusoy. First si Mulong Sandoval, Second ako, at third lamang si Benigno Juan.

Malaki ang papel ni Rio Alma sa pagkahumaling ko sa paglahok sa mga timpalak at sinuwerte naman ako kalaunan. Naging suki ako ng mga gawad-gawad panliteratura – Cultural Center of the Philippines, sa Don Carlos Palanca Memorial Awards at kung saan saan pa. Ako ang may record na tatlong beses naging Makata ng Taon sa Komisyon sa Wikang Filipino na dating Surian ng Wikang Pambansa. Sa kasamaang palad, naging segunda na lang ako nitong taong 2009. Gurang na talaga.

Sa totoo lang, sa dami ng diploma ko at medalyong pampanitikan, hindi nawala sa akin ang pakiramdam na talagang nakukulangan ako sa kalidad ng aking obra. Noon pa, pinilit kong makaipon ng mga imported na librong orihinal o nakasalin sa English. Marami sa mga ito hanggang ngayon ay hindi ko pa nababasa nang buo. Noong nagsusubok akong matutong bumasa sa English, minsa’y nahuli ako ng guwardya sa National Bookstore sa Cubao na nagpasok ng No One Writes to the Colonel sa aking bag. May mga obrang kahit nahihirapan ako’y sulit naman ang pagbabasa.  Pero ganon pa rin, parang kaya ko ring gawin ang mga istorya ni Dostoevsky, Steinbeck, Hemingway, Zola, Gogol, Gabriel Garcia Marquez, Juan Ramon Jimenez liban kay Arthur Rimbaud na hindi ko masakyan. Nagiging mainitin naman ang ulo ko pagbasa ng obra ni Maxim Gorky. Ang dati at huli kong paborito,  si Cesar Vallejo na napakapakla ng galit sa mundo; Sino kaya ang aking gagayahin?  Maraming world masters. Masyadong malayo si Sheakespear at hindi ko hiyang? Namimingi ako pag pinilit kong pumaimbulog sa kanyang berso.  Samantala hindi naman ako lubos na naglubay sa pagtugaygay  sa mga Pinoy na kinikilalang bigatin. Mula nga kay Balagtas, Batute, Ka Amado Lualhati Bautista Edgardo Reyes, Rio Alma at Domingo Landicho. May kanya-kanya silang katangian at galing. Aaminin kong hindi ako nakaramdam ng pangangailangang aralin ang mga creative works ng mga Pinoy na English writers. Sina Nick Juaquin, Doveglion, Dimalanta. Marami nga akong hindi kilala kahit sa pangalan.  Nagkaroon lang ako ng sariling kopya ng kanilang mga libro nang ipamigay sa mga fellows ng UP Writers’ Summer Workshop.  Isa sa ilang librong iniingatan ko ay ang The Tragedy of the Revolution ni Adrian Cristobal ng naging ’shine boy’ ng mga Marcos.

Ewan ko. Pero mayron talagang kung anong kulang o anomalya…  Gayon ako naging partime na makata, hindi professional writer. Sapalaran lang naman ang pagsali sa timpalak. Weather-weather lang sabi nga ni Erap.

Nagagamit ko sa pagyayabang na marami akong nadedesgrasyang mga Higante ng Panitikang Pinoy. Una kong tinalo sa Palanca si Rio Alma na pumangalawa sa aking koleksyon ng tula. Hindi nagtagal, nakihati sa akin sa unang gantimpala sa Palanca si Rolando Tinio. Dalawa na silang National Artists.  At ang kakatwang anomalya, nakakasama rin ako sa paghuhurado nina Pete Lacaba, Lamberto E. Antonio, Romulo Sandoval, Lilia Quindoza Santiago, Rustica Carpio, Simplicio Bisa at Frank Rivera sa mga pambansang timpalak sa pagsulat.

Samantala’y tatlong beses akong nanakawan ng kuwento ng mga edukado. Hindi na ako kumibo dahil sila’y totong mga sikat. Matunog ang kanilang pangalan kahit sa mainstream media. Hindi katulad kong kilala lang sa sirkulo na alam ko kung ano talaga ang assessment nila sa aking mga akda. Mga tulang pangkontes. Tatlong tanyag na writers at nakabilang sa Ten Outstanding Young Men of the Philippines ang nagnakaw ng aking tatlong piyesa. Kasama silang tatlo kung bakit malakas ang kita ng mga benepisyaryo nilang frame makers sa Cubao para sa sangkatu-katutak na awards. Ang dalawa kong kuwento’y pinagtigisahang inangkin ng dalawang mas magaling pa sa kani-kanilang libro; ang ikatlong istorya ko’y ginamit naman ng scriptwriter na naging kanya rin sa takilya.  Ilan sa mga karanasan itong nagkukumpirma sa akin na bukod sa problema ko’y may   mas malalim na sakit ang panitikang Pilipino. Kung itinuturing na bata pa ito kumpara sa panitikan ng kanluran, hindi lang sipon o trangkaso ang sakit nito. Pakiramdam ko’y kailangan ang espesyalista.  Kailangan ng mga manunulat mismo ang psychologist kundi man psychiatrist. Ano ba? Magtatangka ba akong maging paramedic? Ang iniisip ko’y magmungkahi ng isang referral system.

Nanghihinayang kaya ako na hindi sumikat kahit hindi ako propesyunal na manunulat? Nakikisawsaw lang kasi ako. Totoong nagkakaroon lang akong gana sa pagsulat pag may timpalak. Pero matanda na ako para sa mababaw na kaligayahan. Kulang na sa libog.  Habang tumatanda’y lalo kong nahahalatang nagkakalat ako ng kabanuan o mediocrity. Iisa ang aking napatunayan sa buong panahon ng pagpipilit kung isipin kung ano ang problemang dapat kung alpasan para magustuhan ko ang aking mga akda.  Nabubuhay ako sa pag-aakala.

Totoong napakapakla ng aking pakiramdam sa tuwing makakatapos ako ng isang tula. Kung puputulin ko ang aking mga daliri para tuluyan nang tumigil sa pagsulat, isasama ko ang aking dila.  Kung magkaputol-putol ang lahat – ano pa ang makapagpapaligaya sa akin? Makikibasa na lang ako.

Sa internet, nahagip ko ang iskandalo at debate ng mga intelektwal at mga totoong scientist. Si Alan Sokal ang leftist na physicist na sumulat ng kontobersyal na Transgressing the Boundaries: Towards a Transformative Hermeneutics of Quantum Gravity   isang artikulong  hoax para sa Social Text, publikasyon ng mga leftist at neomarxists. Nakalusot ito at nalathala. Mangyari pa’y naiskandalo ang mga postmodern intellectuals na ang propeta’y sina Derrida, Lacan,  at iba pang French philosophers. Ang parody ayon kay Sokal ay pagsubok sa kredibilidad ng mga henyo  na  nagtatagpo-tagpo ang mga akda sa Social Text. Na ayon kay Sokal ay inaabuso ang science lalo na ang mga postmodernists.  Pero naisahan ng Trojan Text ni Sokal ang mga editor ng Social Text  – sina Bruce Robbins at Andrew Ross. At lumikha iyon ng kontrobersiya.

Ang insidenteng iyon ay nagpapalala sa  tinaguriang ’science war’.  Mga naturalist versus traditional intellectuals. Ang traditional intellectuals ay mga paham sa arts and letters ngunit hindi makasundo ng mga scientists.   Ikinatuwa ang science war  ng mga cyber elite, mga Digerati,  Brights Society. Mga scientists writers na binansagang communication revolutionaries: Helena Cronin, Daniel Dennett, Richard Dawkins, Brian Goodwin, kasama ang cultural impresario na mapambuskang German poet na si John Brockman. Publisher ng The Third Culture sa web.

Nakaka-entertain talaga ang Science War. Naalala ko ang lokal na parunggitan ng mga Pinoy writers sa English, Tagalog o Filipino. Naisip ko na meron ding katapat na intellectuals sa local scene, sina Edel Garcillano,  Doming de Gusman, Gelacio Guillermo, Arnold Molina Azurin; sila ang mga pamilyar sa akin.  Kaya lang mas naririnig ko ang maaanghang nilang debate sa inuman hindi sa teksto. Huwag namang ituring na “usapang lasenggo.”  Ano kaya ang assessment sa mga Pinoy intellectuals ng migranteng si Sonny San Juan Jr., o Felix Razon?

Habang natututo ako sa debate nila,  nawawalan ako ng gana sa pagsusulat. Malaking kahumalingan na sa edad kong mahigit limang dekada ay may maidaragdag pa akong ideya sa  mga pinagtatalunan nila. Masarap na makinig na lamang ako. Pero dahil na rin siguro sa pagbabasa ko ay naiinggit ako sa mga narating na kaalaman nila,  lagi ko na lang napapanaginipan ang aking edad. Gurang na. Ang napakahaba kong pananatili sa mundo kung oorasan ay nasa bandang alas kuwatro ng hapon at napakabilis ang pagkiling ng araw. Ilang pasko na lang. Ilang karoling na lang kaya ang maririnig ko sa mga bata?  Isang gabi, hinalungkat ko ang aking mga nakatagong akda.  Wala talaga akong magustuhan. Lalo yung mga tulang nanalo sa kontes -walang dating!  May tila naisip akong heroic para sa natitira kong amor-propyong pampanitikan.  Paradigme shift: mula sa pagiging makata,  pwede akong maging arsonista ng sarili kong mga akda.  Nagbasa ulit ako ng mga nakatagong manuskrito. Nilasahan – at sinunog ko na talaga.  Ang higit na nakapanlulupaypay: published na ang ilan – hindi na ako makapaghuhugas ng kabanuan.

Sa masaklap na realisasyong ito sumalakay sa sariling guniguni ang mga primitibo-midyebal na imahen, bangkay, urna, uod, apoy, usok at abo.  Mas gusto kong cremation.  Eutanasia?  Kelan? Teka muna. Sabi ng aking impormante: ang malalim na kapaklahan ng buhay ng makata, ay hindi lamang dahil sa kabanuan niyang tumula. Mahusay man siya o hindi – hangaan man siya o kamuhian sa loob at labas ng akademya; Ang kapanglawan ng mga dakila at kinikilalang artist ay bunga ng kawalan ng social involvement sa realidad. Kawalan ng katiyakan kung pinakikinabangan ba ng sibilisasyon ang kanyang sining; nakapagpapaunlad ba ng buhay ng tao ang tula? Ang pag-aaksaya ng laway at/o tinta?   Kung tapat at intelehente ang isang makata, humarap lang siya sa salamin ay pagdududahan niya kung alin sa kanilang dalawa ang totoong may buhay at may kabuluhan.

Minsan, binalak ko ang isang madramang atmosphere para dagdagan at kinisin ang aking koleksyon ng tula para ipablis.  Wala akong kayamanang maiiwan. Kailangan kong pagbutihin ang pagtula. Pupunta ako sa Boracay.  Ngunit sa dami ng magbabakasyon, naistranded ako sa Iloilo. Isang gabi,  nadulas ako sa CR ng Biscocho Hotel. Naumpog ang ulo ko sa inodoro.  Ano ba itong kadramahang pinagagagawa ko sa buhay? Kailangan ko pang gumastos nang malaki para sa pinapantasya kong libro.  Nang tingnan ko ang sarili sa salamin, sinagilahan ako ng walang kaparis na takot nang makipagtitigan sa akin ang hubad na lalaking kamukhang-kamukha ko. May malaking bukol sa noo.  Tinutuya ako. ‘Pupunta ka sa Boracay para magdagdag ng basura? Putang ina ka!’  Noon ko lamang naintindihan ang eksaktong kahulugan ng taong nawawala sa sarili!

Isang araw, umakyat ako sa tuktok ng matalim na burol na hindi maubos-ubos-ng-araw-gabing hambalos ng alon sa baybay ng Tangkaan, Padre Bugos, Southern Leyte. Sa tapat ng Limasawa Island kung saan bininyagan ni Magellan si Raja Kulambo.

Maalinsangan. Bumaba ako para maglunoy sa tubig-dagat. Pagsayad ng talampakan ko sa buhangin nakita kong may nakatitig sa aking Minotaur mula sa tubig. Nagulat ako pero hindi natakot, kamukha siya ni Picasso pero ang katawan ay boroy (jellyfish) Tinawag niya akong Makatang Basahan.

Hindi ko ikukumpisal ang ipinamumukha ng boroy sa aking mga kasalanan. Bilang tao at bilang makata. Ang aking mga katangahan, at kawalang-hiyaan sa buhay.  Hindi ako gaanong nakonsensya. Hindi ako kasimbabaw ni Picasso.

Si Picasso ang artist na nagsilbing Parisian orgy ng dekadenteng kultura ng Europe. Ang kanyang insecurity ay nagbunga ng mediocrity at inilako ng mga patotot na art agent sa Paris. Mga art loafers na nakatanso ng mga idiot at banidosang elite sa France at sa buong Europa.  Nagoyo nila ang mayayaman sa mundo sa pag-aakalang may mataas silang panlasa sa sining – kasama ng mga atheist na artists – at mga komunista.

Kung ako ma’y hamak na makata, si Picasso para sa akin ay isa ring karaniwang dumi na hindi makapupuwing sa aking mata.

Hanggang isang araw sa Tacloban, sa isang maliit na tindahan ng segunda manong libro, na parang ukay-ukay ay tsansang madampot ko ang The Twilight of the Idols, ni Fredrich Nietzche.  Mahirap intindihin pero unti-unti, masarap talagang basahin.

Revaluation of all values. Frenzy, iyon ang kagyat na epekto sa akin. Isang kataga sa loob ng libro na hindi ko maisalin sa Tagalog. Pagkahumaling? Hindi eksakto.  Binasa ko ang libro nang paulit-ulit pagdating sa bahay. Makatuluga’t magisnan. Hindi tinatantanan. Hanggang sa mamalayan  kong alas 9 na pala nang umaga. Para bang sa pakiramdam ko’y bumalik ang araw nang di gumagalaw. Bumalik  lagpas sa katanghalian at ako ang naiwan na walang kamalay-malay.  Sumigla ang aking pakiramdam. Yung pakiramdam ng isang gurang na nagmumurang kamatis. Sa lengguahe ni Nietzsche, Frenzy – tama. Kahuma-humaling.

Inuugat niya ang pagkadekadente ng kultura sa Kanluran pangunahin kay Socrates. Bugok kung baga sa iltog, dahil ang kulturang metapisikal tulad ng idealismong Kristianismo ay hadlang sa pagiging malikhain ng Homo Sapiens. Kumbakit ay  si Nietzsche na ang bahalang magpaliwanag. Sa mga hindi pa sumiseryoso sa kanya. Maghanap.  Hindi ako mapangunang-bait tulad ng isang paramedic.

Malakas ang dating sa akin ni Nietzche, naibuyo niya ako na muling magsulat. At luminaw sa aking isip na parang malulutas ko na ang matagal ko nang problema. Ang ugat at dahilan ng pagkabano ng aking tula. Akong biktima ng Pasyon at Florante at Laura ni Balagtas.

Biktima ako ng kulturang katas-ng-pinagsapalan.  Ang tinutukoy ko ay ang kulturang kanluranin na umabot sa ating arkepelago dala ng konlonyalismong Kristiano. Bukod sa lokal na mitolohiya ng mga katutubo, nasagap ng mga Indio ang bugok na moralidad ng mga Frayle,  – ayon na rin sa pag-aaral ni Lumbera at Almario – ay pinasimulan nina Gaspar Aquino de Belen, Bagong Banta, Osorio; at ang isang anak-anakan nito ay ang Florante at Laura ni Balagtas.  Ang epikong ito ay epektibong ehemplo ng gaya-gaya puto-mayang kultura ng Pinoy mula sa noon pa’y palaos nang literaturang Katoliko sa Europa. Ang epiko ni Balagtas ay isang tsismis na nagmukhang alegorya ng lipunan ng mga Indio sa ilalim ng masasamang Frayle. Ginamit ni Balagtas ang mga kaalamang bayan at sawikain at inaring kanya. Mga salawikaing isinakay niya sa isang kagila-gilalas na pakikipagsapalaran ni Florante sa gubat. Na muntik nang lapain ng leon kundi sa isang ligaw na muslim na si Aladin. Pinakalat ng epikong ito ang pagpapahalagang Kristiano kung saan nagpabinyag sa huli ang magkasing muslim na Aladin at Flerida sa pananagumpay at pagbawi sa trono ng kahariang Kristiano nina Florante at Laura.

At siyempre’y masigabong palakpakan…

Kumbaga sa ahas, ang pantasya ng kulturang Pinoy ay may lansa ng sungot ng buntot ng kulturang kanluranin.  Isang Anaconda ang  gustong putulin ni Nietzsche sa pagkakalingkis sa buong Europa. Napakahirap na pagsuong sa pagsusulat.  Ngunit talagang mas mataas na klase ng hayop si Nietzsche.  Nakakainggit.  Walang usapin at paksa sa buhay ng tao ang di niya nabibigyan ng malupit at kaibig-ibig na interpretasyon.  Sa kasamaang palad,  ipinanganak si Nietzsche nang mas maaga at abante kaysa bilis ng biyahe ng liwanag ng araw sa uniberso.   May sapantaha akong kahit magkaroon ng ekstensyon ang tatlo’t kalahating bilyong taon ng pagkaupos ng marupok na araw, hindi matatanggap ng mga Katoliko sa Pilipinas ang mga sulatin ng pilosopong German.

Ewan ko kung may katumbas  sa Germany ang sampay-bakod na pamimilosopo ng Pinoy. “Napakadaling uyutin ang kaaway pag nasubukang tumatae.”  Ganun ang pakiramdam ko sa aking mga akda nang makilala ang pilosopo. Lalo nang mabasa ko ang satirikong banat niya sa mga writers. Pero kahit may sinasabi siyang vanity of the tounge: sinusuway ko siya sa pagsulat na ito ng maikli kong talambuhay.  Ngunit talagang wala rin sa timing ang pagsilang ni Nietzsche. Binansagan tuloy sugo ni Lucifer si Zarathustra, ang propetang panliteratura na kanyang nilikha bilang superman.  Nag-iisa siya sa krusada laban sa imoralidad/moralidad ng Kristianismong lumulumpo sa tao. Tandisang tinatawag niyang dekadente ang Papa at mga pari. Inaatake niya ang Bibliya. Mga naunang alagad nina Socarates at Plato hanggang sa mga kapanahon niyang scientists at philosopers. Tinuligsa niya at binansagang “swindler” si Socrates sa panlalason ng kaisipan ng kabataang Griego bago nito nilagok ang sariling lason. Ang metapisikal na kaisipang Socrates ay ipinasa kay Plato na umaastang hukom sa moralidad ng buhay. Na ang buhay sa mundo ay itinakdang  punung-puno ng pagdurusa ngunit may sangkalangitan ng katwiran. Nagdikta sa tao ng mga dapat at hindi dapat – ganito at hindi ganoon – at nagtakda ng rason ng buhay bilang katotohanang dapat panuntunan ng sibilisasyon sa buong uniberso. Tulad ng paglalako ng Kristianismo na may iisang Diyos na nag-aabang sa kaluluwa ng tao sa kabilang buhay. Inaglahi niya ang laman at istilo ng pagsusulat ni Plato.  – Aniya’y boring,  moralista, mapagdunung-dunungan. Ang konsepto ng kabilang buhay ni Socrates ay naipasa kay Plato.  Kaisipang metapisikal dekadente at bugok.

Ngunit paano susunugin ang mga libraries sa buong mundo? Mga kaalaman sa libro  na niyakap ng mga Hari, ikinabuhay ng mga bansa at pandaigdigang sibilisasyon ng mga Henyo.

Parang nakita ko ang sarili. Kung saan na nakarating ang biyahe ng sarili kong buhay bilang pasawsaw-sawsaw na makata. Nasa tradisyon ako ng bugok na kulturang dala sa Pilipinas ng kolonyalismong Kristiyano.  Nasilip ko sa bagong salamin mula kay Nietzsche ang karaniwang eksena ng mga manunulat na Pinoy sa English at Pilipino.   Biktima rin kami nina Socrates at Plato.   Maraming sumasamba sa anila’y sopistikadong narrative nila Derrida, Lacan. Maging ang Pasyon ni Reynaldo Ileto ay itinuturing ng mga “awtoridad” sa akademya na mahalagang muhon sa Panitikang Pilipino. Nangunguna ang libro ni Ileto sa pagpapauso ng postmodernism sa Pilipinas.  Mauugat ito sa impluwensiyang pro-Kristiyano ni Kiko Balagtas. Ang opisyal na Hari ng Liping Tagalog kundi man Lahing kayumanggi!

Sinimulan kong hanapin sa yahoo at google ang mga impormasyon at interpretasyon ng mga kritiko pabor at laban kay Nietzsche.  Nakapanghihinayang na ang pilosopong gustong lipulin ang lahat ng Idolo sa mundo, ay maagang naimbalido sa edad na 37. Ngunit naratay siya nang matagal. Naapektuhan kasi ang kanyang utak.  Nabaliw at hinusgahan siya ng mga Kristiyano at di Kristyano na pinarusahan siya ng Diyos.  Mas matanda ako sa kanya ng isang taon. Ibig kong sabihin, namatay siya nang mas bata sa akin ng isang taon sa edad na 54 anyos noong 1895.  Siya ngayon ang aking inspirasyon at iminumungkahi kong basahin ng mga istudyante – manunulat man o hindi -si Friedrich Nietzsche -  ang Superman!

Heto na naman ako. Nagsisimula ng bagong pag-aakala. Wala naman akong ambisyong pantayan ang kanyang pagsusulat. Pagbintangan na nila akong gaya-gaya-puto-maya, hindi na ako makababalik sa aking pinanggalingan. Magsisimula akong muli kung saan nakarating. Hindi na ako maliligaw. Nakakaramdam akong muli ng  kasiyahan at labis na pagkahumaling – Frenzy, tama.  Pagkahumaling sa natural na pagpapahiwatig ng tuwa at galit. Mas mahirap pero talagang masarap. At kung bago nanaman itong pag-aakala, hindi naman ito kasinghirap ng gyerang idineklara ng pilosopong Aleman laban sa Kristianismo. Kailangan ko talagang gawin.
Bahala na.  Tutal, mababaw naman ang isip ng Pinoy. Magsusulat ako nang kasimple-simple.  Walang borloloy. Parang batang naglalaro sa ilog. At ang prioridad ko’y pusalian ng mga makata at manunulat dahil pamilyar ako sa kanila. Sa isang pangkat, ang relasyon ko ay barkada kundi man personal na personal.  Nagpapalakpakan kami sa isa’t isa sa oras ng party ng kadakilaan – halimbawa’y awarding ng mga nagwagi sa Palanca taun-taon sa Manila Pen. Kilala ko kung kangino ang pinakamalakas na halakhak; at kung sino ang kunwaring mahiyain.

Nagbabasahan ba kami ng obra ng kapwa manunulat?  Siguro. Pero natitiyak kong sa kabila ng pagpipilit ng ibang basahin ang akda ng kapwa manunulat sa English o sa Pilipino, nanghihinayang sila sa oras.   Aaminin ko sa pagkakataong ito na ako mismo’y guilty. Dekadente sabihin ninyo. Nasusuya na rin ako ako sa mga tula ng mga kasama ko sa GAT, pero nakikipagbolahan ako sa kanila sa inuman. Na tiyak kong gayundin naman sila sa akin.

May isinangguni ako sa mga itinuturing kong kadugo sa panulaan. Nag-text ako sa kanila tungkol sa bago kong krusada para isalibro. Ang idea: Anti-Pilipino. Ironic? Satire?

Bakit anti-Pilipino? Naiisip ko kasing ipaalala sa mga writers at mga historians yung manipesto nina Bonifacio at Jacinto sa KKK nang itatag nila ang Haring Bayang Katagalugan.  Imbes na Filipinas, nilinaw nila na ang mga mamamayan ng bansang ito’y kabilang ang mga Bisaya, Ilocano, Kapampangan ibig sabihi’y lahat ng naninirahan sa buong arkipelago na  dapat mag-aklas laban sa Kolonyalismong Kastila. Gusto nilang baguhin ang tawag sa Pilipinas na hango  sa pangalan ng Hari ng Espanya.

Paumanhin po sa paglawig ng aking talambuhay. Hindi po ito pag-angkas sa kadakilaan ng Supremo ng KKK. Ngunit hindi ko mapigilang banggitin ang pagkutya kay Bonifacio ng historyador na si Teodoro A. Agoncillo nang isama niya sa The Revolt of the Masses ang testimonyo  ni Lazaro Makapagal na ang Supremo Andres Bonifacio raw ay “lumuhod at humingi ng tawad” bago nila pinatay.  Naniwala si Agoncillo na may kasalanang inamin si Bonifacio.  Ang kasalanang ibinibintang ng Magdalo sa Supremo.  Isa  ang librong ito na nagbibigay ng rason,  na ang pagpatay sa pundador ng KKK ay di maiiwasan alang-alang sa tagumpay ng Rebolusyon 1896.  Kahit sa kabila ng katotohanang pagkaraan lamang ng halos pitong buwan mula nang marderin sa Bundok  Buntis ang magkapatid na Bonifacio ay isinuko na ni Aguinaldo ang Republica Filipina niya sa Pacto-Biac-na-Bato; at sa ikalawang pagkakataon noong panahon ng  pananakop ng America ay muling nanikluhod at nagmano si Aguinaldo kay Uncle Sam.

Totoong maraming pantasyang dapat bakahin sa kasaysayan ang mga manunulat.

May kukunsinti ba sa akin sa mga kaibigang manunulat para ituloy ko ang krusadang Anti-Filipino? Bubuskahin ko sila para pag-usapan na hindi naman totoong nawala ang identity ng Pinoy.  Sapagkat nariyan at buhay na buhay ang ating katangian pagkaraan ng halos apat na raang taong kapunin ang ating mga ninuno sa loob ng kumbento. Nahubog tayo sa kasalukuyang identidad. Pinoy na Pinoy.  Pero malala ang ating denial complex. Sagad sa buto. Buo ang masasama nating katangian pero hindi natin magawang aminin kaya mahirap baguhin.  Maraming Pinoy ang magagalit kapag inisa-isa: Na tayo’y isang bansa ng Pantasyador. Traidor. Utak-alipin. Ipokrito. Gahaman. Mapang-uto. Mapamahiin. Kaya bulok ang lahat ng sangay ng gobyerno at institusyon: una ang Simbahan, Malacanang, Kongreso, Korte Suprema, AFP, BIR,  LTO, DPWH, DOH, DepEd, NBI,  DA, DAR, POEA, PCSO, OWWA.  GSIS, SSS, Ano pa? Kapuso, Kapamilya…  Bahala na kayong magdagdag.

Ito ang bansang tinatawag ngayong Matatag na Republika na  apo ng Republica Filipina ni Aguinaldo. Huwag na tayong magtataka (kunwari) kung bakit hindi makalusot-lusot sa Kongreso ang impeachment laban kay GMA? Sa totoo lang, bawat isang kongresista’y isa ring GMA. Bakit hinahayaan ng sambayang Pinoy si GMA? Sa totoo lang, bawat isang Pilipino’y isa ring GMA. Makadiyos! Putang ina!

World class daw ang Pinoy,  Taas noo kahit kanino! Pinoy sa isip sa salita at sa gawa. Pinoy sa puso at diwa. Napakarami nang tula at kanta ang nagpapantasyang dapat ipagmalaki ang pagiging Pilipino o Filipino. Kung magiging mahinahon lang sana tayo, aminin natin ang mga kapansanan para hindi na natin maipasa sa mga bata ang denial complex na nakadagan at nagpapahina sa ating pagkatao.  Ito ang isinangguni ko sa mga kamanunulat via texting:

Ang iisang nag-textback ay ang kumpare kong premyadong makata sa English; atubili siguro siyang magtawa nang harapan kaya napakapolite ng text message niya sa akin.

“Ituloy mo, sa tonong literate na bobo, madyikerong scientist, parang diyos na humahalakhak at nagngingitngit sa sarili.”

Sa madaling salita – inuuto niya ako. At nagpahabol pang – di baling  uto-uto basta alam mong ika’y inuuto – ang importante ay maisulat mo ang gusto mong sulatin-  ututin.

May mga kaibigan namang nagpatay-malisya, hindi ako sinagot gaputok man. Naisip ko, masyado na silang maraming awards tungkol sa pagiging dakila ng Pinoy para ako pansinin kundi man pagtawanan.   Pero padadalhan ko pa rin sila ng kopya ng aking talambuhay. Bahala na. Tinitiyak ko namang mananatili ko silang kaibigan hangga’t hindi ako bayad sa kanila ng utang na loob.  Sina Teo T. Antonio, Fidel Rillo at Jess Santiago.  Pinoy na Pinoy.

May bago akong tula na parang kuwento. Maiksing maiksi kaysa dagli. Itinex ko ulit kay Marne Kilates.

Dapit-hapon,
Papauwi na ang bangka ko’y
May lalaking nakitawid sa akin sa ilog.
Laking-gulat ko nang makilala -
Si Rizal – sa edad n’ya nang siya’y barilin.
Bigla ang tuwa ko nang magmano sa akin;
Siyempre’y  binawi ko ang aking kamay
Pero hindi niya binitiwan!
Pinisil niya ang palad ko nang mariin.
(Hindi kirot ng arthritis ang aking naramdaman)
Tinanong niya ako nang di nagbababa ng tingin:
“Saan po ba kayo galing?”
Hindi ako makasagot.
Dihamak na mas matanda ako sa pilosopo para hindi ko masakyan
Kung ano talaga ang ibig niyang sabihin:
Saan ako pupunta?
Nang makaahon siya sa kabilang pampang,
Ipinihit kong muli ang aking bangka pabalik
Sa dagat –
At nagpatuloy
sa pananagwan.


Textbak niya:
Maganda itong eksena, magandang makita kung saan mo dadalhin.


Text ako uli.
Tapos na po yan.


Text ulit siya: A ganon ba? Bitin…


Baka walang trabaho si Marne. May oras yatang magbasa kaya humihirit ng karugtong. O talagang hindi ako makapapasa sa mga lihitimong makata?\


Nagtext ulit ako sa kanya kinabukasan:
Saan ako paroroon?
Hindi na ako makababalik sa pinanggalingan.
Magsisimula ako sa aking narating;
(Sa eksaktong ilog na pinagtawiran)
Sa gayo’y hindi na ako muling  maliligaw
Hanggang sa pagtaob nitong aking lunday.


Textback agad siya.
Maganda.


Dejavu!

Putris! Narinig ko na yun noong nagsisimula pa lang akong makipagworkshop sa GAT.  Okey lang. Basta hindi pa rin nawawala ang pagdududa ko’t pagtitiwala – ang likas kong poot at pagmamahal sa mga kaibigan ko’t kaaway. Pare-pareho lang sila. Ganon din ako sa kanilang lahat. Lahat ng tao – puti o itim. Dayuhan o kabarangay.  Ganon talaga ang kalikasan ng tao. Kapitalista o komunista. Tama ang dalaginding na si Anne Frank, may iisa lang human race. At lahat tayo’y mga apo ng Africa.

Tama ang Pinoy, madaling maging tao, mahirap magpakatao.
Tunay
Kahuma-humaling maging tao
Mabuti na lamang
At hindi ako naging uod
Wala akong obligasyon
Na tumikim at mamuhay
Sa karne ng taong nabubulok.
Lalong mabuting hindi ako naging diyos
Ang pinakamapamuksang entidad sa sansinukob.


Manghuhula ako kung hihingi ako ng paumanhin o dapat ipagmalaki ang patse-patseng gunita ng aba kong buhay bilang makata.  Hindi rin sigurado kung paano ko eengganyuhing magbasa ang Pinoy.  Ang hangad ko po lamang ay makapagmensahe sa mga kapwa makata at manunulat tungkol sa denial complex ng Pinoy.  Hindi ko sila pangungunahan ng bait.  Pero kung baga sa usapin ng karapatan sa pagkain, yung may gustong kumain ng sariwang isda, lumusong dapat sa tubig. Hindi ko na kayo ipanghuhuli ng alamang para gawing bagoong. Sapagkat  kung gagawin ko iyon para sa inyo’y baka ipaluto, ipasubo, ipanguya, at ipalunok  ninyo sa akin.  Sapagkat pare-pareho naman tayong Kristiyano. Ako’y apo ng isang Pilipinang saradong Katoliko na hindi pa man hinihingan ng limos ay dumudukot na sa bulsa.  Ang amin pong pamilya’y huwarang   Kristianong mapagpatawad,  mapagpaunlak at  mapagbigay; ngunit sa naranasan kong pamamaga ng kaliwa’t kanang pisngi at magkabilang pigi -  sa tinaggap kong mga palo at sampal at walang kahulilip na kasawian sa buhay – wala na akong kakayahang magpahiram ng kaisa-isang butas para sa inyong mga banal, ipokritong  tumbong.

Manipis lang ang aking talambuhay. At parang sungot lang ng sugpo ang inyong nakita. Kung sa pagbasa’y tila natusok kayo at nakaramdam ng kirot, huwag kayong umiyak o mag-aksaya kahit sampatak na luha, naririyan pa ang inyong utak.  Sa huli’y ang luma pa ring islogan: Mabuhay ang Lahing Filipino o Pilipino!

Fuck You!

Sarah Raymundo versus Patricia Evangelista

A Rejoinder
by Sarah Raymundo and Bogart Jaime

In Ms. Evangelista’s reply to our blog “Patricia
Evangelista: Rebel Without a Clue,” she merely
reiterated her argument that “political activism is
one among many ways to help the country, and that
people determine their paths based on personal beliefs
and experiences;” and that “[she] make[s] the personal
choice not to become an activist.” While she insists
that her “argument is simple,” we think that it is
rather simplistic. It would be more convenient to
direct the reader to our friendster blog but we decide
to restate our positions. It is our argument that the
“many ways to help the country” are often antagonistic
than complementary as is usually presupposed. Should
we perhaps believe that GMA’s effort to help the
country through her Strong Republic complements the
genuine agrarian reform program advanced by the Left?
Her public announcement that she chooses not to be an
activist counters the activists effort to arouse and
mobilize the broadest number of Filipinos towards an
organized movement for national sovereignty and social
justice. Without having to allude to this organized
movement, she is antagonizing the practice of
“activism” which has virtually become a metonym for
this very movement. It is perfectly fine to challenge
the Left and its claims. It is a remarkable feat for a
college coed to problematize the Left. However, we
find that her denial of the antagonistic
positionalities defeats the very purpose of any
meaningful debate on social alternatives.

It is curious how appeals for ‘tolerance’ is often
addressed to the Left as when Ms.
Evangelista says that her column is “an attack on
intolerance, in the context of activism.” We engage
this position since it is not only Ms. Evangelista who
assumes it. For how is ‘tolerance’ used in its actual
context, i.e. in ‘multicultural’ societies like the
USA? The liberals in the US, for instance, address
their plea for ‘tolerance’ to their government and
policy-makers. Tolerance, in this context, is
addressed to those who are in power. It is amusing to
have to see columnists demanding ‘tolerance’ from a
group that could hardly marginalize privileged voices
(of columnists, radio commentators and other media
personalities, not excluding some actors in
showbusiness). Of course, the Left can always
challenge dominant opinions but marginalizing
opinion-makers is an impossible act for the Left to
do. To think that the Left and the State (institutions
and their honchos) wield equal power in the
Philippines is a gross miscalculation.

Furthermore, it is the least of our intentions to
condescend to Ms. Evangelista that she is a “victim
lured by the discourse of neoliberalism”. While we
said that she is “lured by the discourse of
neoliberalism”, we never painted her as a victim. We
argued that she seems to have interrnalized the
neoliberal ideology. It is clear to us that the
victims of neoliberalism are the peasants and workers
from Third World nations who are now protesting the
ongoing WTO talks in Hong Kong.

We demur Ms. Evangelista’s claim that we condemned
corporations and charity institutions. In saying that
corporate social responsibility is a conjunctural
phenomenon, and a strategy of containment in the
context of global monopoly capital, we are not opining
that corporate social responsibility must be viewed
this way, we are saying it has historically been that
way. Given the logic of profit accumulation, we have
yet to see Ms. Evangelista’s point that there are two
kinds of motives for the setting-up of corporations
namely “altruistic” and “purely commercial.” We pose
that capitalist exploitation can never be negated by
“acts of generosity.” We concede that there are
impoverished individuals who are assisted by
charitable institutions. Contrary to her misreading,
we did not censure organizations like Gawad Kalinga.
We pointed out the limits of charity within the
context of global monopoly capital. This is far from
dismissing the function of these institutions. We
sense a refusal on Ms. Evangelista’s part to analyse
poverty, charity, corporations and interests in a
systemic light. Rather, these elements are thought in
terms of “motivations.” We clarify this in the light
of Ms. Evangelista’s take that we “speak as if only
[us] have the right to dictate the motives of
individuals.” We do not operate in that mode. We
prefer a dialectical analysis of motivations vis-à-vis
structures. This is why we find it important to
finally reply to Ms. Evangelista’s rebuttal. We feel
that it is our task to make it clear that our blog
entry was not written as a personal attack. We are
reading her arguments as symptoms of ‘reading history’
in a way that legitimizes the dominant social order.
To take offense from this symptomatic reading is as
good as implying that she is the sole author of her
beliefs. Who is ever?

Moreover, we are amused at Ms. Evangelista’s cunning
in “cutting” our statements and “pasting” them in a
manner that is rather self-referential and ostensibly
decontextualised. Allow us to cite a an instance: she
claims that we called her a “socialite.” We made
certain formal moves to illustrate the phenomenon that
we are assessing, i.e., the hold of neoliberal ideas.
In our argumentation, it is formally impossible to
isolate elements of our critique of charity via the
historical limitations of utopian socialism. It is
apparent that Ms. Evangelista’s argument articulates
elements of utopian socialism. We even explained how
utopian socialists like Robert Owen realized the
logical conclusion of charity is a rupture in the
social relations of production. Ms. Evangelista’s
apotheosis of corporate social responsibility
forecloses this very rupture in the social relations
of production. As for her grasp of the sentence where
the word “socialite” appears, we can only refer the
reader to the original text.

At this point, it is necessary to address Ms.
Evangelista’s assertion that we were the ones who said
that Professtor Lani Abad’s statements reek of
totalitarianism. We find this as a malicious
sleight-of-hand. Furthermore, it is not true that we
accuse Ms. Evangelista of being a “megalomaniac.” The
word “megalomaniac” in our blog entry appears as the
first term of a compound noun ‘megalomaniac
fantasies’. It is the fantasy that is being referred
to. Unfortunately, we do not have the training to
diagnose her, or even our very selves of such
psychological ailments.

Ms. Evangelista rests her whole argument on
open-mindedness. We agree that open-mindedness is
important in the debate on conflicting alternatives to
the current social order. It is Ms. Evangelista’s
premise that there could be a coexistence to all of
these conflicting alternatives that we find debatable.
Besides, how can she claim open-mindedness when she is
deploying notions like ‘extremism’ as though the term
is not subject to political contestation? If there is
indeed ‘extremism,’ ‘terrorism,’ and ‘ideological
intolerance,’ then there must be an entity who
ascribes these to particular groups. Should we perhaps
just accept these labels as defined, for instance, by
the U.S. State Department?

Although we earlier challenged her notion of
open-mindedness, we cannot deny the authenticity of
her claim to open-mindedness as when she says, “I
believe and respect activists and their contribution
to society. Neither do I close the possibility of ever
choosing their way.” It is in her _expression of a
dimension of her personality that gives potency to her
assertions. We therefore disagree that an erasure of
one’s particularity (i.e. personality) is necessary
for a debate. That a debate must be confined to ideas
is logically sound since ‘people are not what they
do’. In pointing out some of Professor Abad’s
characteristics, we are simply trying to sculpt the
flesh-and-blood from the stereotype of an activist
academic.

We welcome Ms. Evangelista’s Nietzschean realization:
“I’ve always thought my beliefs are strong; it’s only
now that I have to fight for them that I can honestly
say they are.” But the question is, will her strong
beliefs be the object of state repression? This year
alone (2005) 150 activists in the Philippines were
killed on account of their beliefs. Tolerance? How
about justice?

Biyernes, Disyembre 23, 2011

'UNANG AKLAT' NI AXEL PINPIN

Lumabas sa internet ang ganito:


2010 MADRIGAL-GONZALEZ BEST FIRST BOOK AWARD NOMINEES ANNOUNCED
by Arvin Abejo Mangohig
Of the ten submissions for this year’s Madrigal Gonzalez Best First Book Award, five were considered worthy of the shortlist. They are:
• Batbat Ni Udan (The Story of Udan) by Telesforo Sungkit (Central Books);
• Kantilaho by Joseph de Luna Saguid (UST);
• Agaw-Dilim, Agaw-Liwanag by Lualhati Abreu (UP Press);
• Tugmaang Matatabil: Mga Akdang Sinulat sa Libingan ng mga Buhay by Axel Pinpin (Southern Voices); and
• Sayod Kong Tataramon (Tuwiran kong Sasabihin) by Carlos Arejola (NCCA).
Administrated by the UP Institute of Creative Writing and sponsored by the Madrigal-Gonzalez family, the award is one of the rare kind that is generous as it is equally prestigious. Former winners include Sarg Lacuesta, mother and daughter Elena Sicat and Luna Sicat Cleto, and Zosimo Quibilan.



Pansinin: Nakapasok ang Tugmaang Matatabil ni Axel Pinpin sa listahan.






Sino kaya ang malisyosong nagpalusot ng Tugmaang Matatabil ni Pinpin bilang kanyang "unang aklat"? Sino kaya ang ignoranteng tumanggap nito hanggang sa pinal na shortlist?


Mismong sa website ng LIKHAAN, mababasa ang ganito:

AXEL ALEJANDRO T. PINPIN
Fellow for Poetry in Filipino
Axel published his own book entitled "Tugmaang Walang Tugma". When he is not working as a Graphic Editor, he spends his time doing "Balagtasan" in his hometown, the historic Bacoor, Cavite.
http://likhaan_online.tripod.com/08242001archivesite/lit4-1.htmlA


Unang aklat ni Pinpin ang Tugmaang Walang Tugma, hindi ang Tugmaang Matatabil.


Pansinin ang balita sa ibaba:
Taong 1999 nang inilabas ni Pinpin ang kanyang unang aklat na pinamagatang “Tugmaang Walang Tugma” na kinatatampukan ng mg tulang “free verse”.  Ang kalipunan ng kanyang mga modernismong tula ay matatagpuan sa tugmaangwalangtugma @geocities. com na tumatalakay sa iba’t-ibang paksa may kinalaman sa kabataan, edukasyon, kalikasan at marami pang iba. 
http://www.respondecavite.com/print.php?type=A&item_id=226
Pansinin pa ang bahaging ito mula sa parehong balita:
Ang ikalawang aklat ni Pinpin na pinamagatang “Tugmaang Matatabil: Mga Akdang Isinulat sa Libingan ng ng mga Buhay” ay inilabas naman noong Disyembre 10, 2008 


Nilathala ng MJS Publication ang Tugmaang Walang Tugma (may ISBN pa!) at hanggang ngayon ay hindi pa rin nababayaran ni Pinpin ang kalahati ng nagastos sa pagpapaimprenta.


Sa hindi malamang dahilan ay tinanggal na ang online copy ng Tugmaang Walang Tugma na dating matatagpuan sa http://www.geocities.com/tugmaan/


Sino kaya ang nagpasok ng Tugmaang Matatabil sa Madrigal-Gonzalez Best First Book Award? Si Axel Pinpin o ang kanyang pabliser na Southern Voices? Sinu-sino ang mga nagsabwatan?


Hindi matatawaran ang galing ni Pinpin sa pagsusulat ng tula. Hindi rin matatawaran ang kanyang kontribyusyon sa panitikan ng ating bansa lalo na sa pagsusulong ng digmang-bayan (nakulong pa siya dahil dito, nakilala bilang isa sa tinaguriang Tagaytay 5). Pero walang kapatawaran ang ganitong kasinungalingan!